Ako ay isang traffic officer, isang gabi ng aking shift ay naassign ako sa gitna ng isang intersection. Matapos ang ilang minuto, nagulat na lang ako nang binubusinahan na ako ng mga sasakyan sa lahat ng direksyon, pinipipilit na sila ang unahin ko. Trapik lahat ng direksyon... Kasalanan ko ba ito?
Kailangan kong gumawa ng desisyon, natataranta na ako. Sa mga ilaw at busina nila, nahihirapan akong gumawa ng desisyon. Hanggang sa mapatingin ako sa isang sasakyan. Malapit ito sa akin, napansin kong patay ang mga ilaw nito at ito lamang ang hindi bumubusina sa akin. Nilapitan ko ito, nagtatakang bakit patay ang lahat ng ilaw nito tila d na narinig ang iba pang sasakyang nag-iingay sa paligid.
Kinatok ko ang bintana nito. Bakit parang hindi ako nadidinig ng driver? Sinabayan ko na ng sigaw ang pagkatok ko sa pintuan. Wala pa rin. Medyo tinted ang sasakyan, tinignan ko ang loob, sinubukan kong silipin sa pamamagitan ng pagtakip ng dalawang kamay ko sa gilid ng mukha ko, pilit na idinidiin ang mukha sa salamin. May isang mama pala sa loob, nakatingin sa malayo. Nakatulala. May luha ang isang mata na nakaaninag sa akin.
Sinubukan kong sirain ang pinto, upang buksan ito. Maya-maya pinilit kong silipin sya para tignan sya, nakatingin na sya sa akin ngayon, nakakatitig ang kanyang mga luhaang mata sa akin. Nagpatindi ito ng aking mithiing buksan ang pinto. Ginamit lahat ng gamit na mahahagilap ko sa katawan ko. Napansin kong lumakas ang busina sa paligid, pero itinuloy ko ang pagbubukas ng pinto.
Maya't-maya ay nabuksan na rin ang pinto, isang katawan ang bumulaga sa akin. Huli na ang lahat. Naiyak na lang ako sa aking nakita. Niyakap ko ang lalaki ng mahigpit. Humiyaw ng malakas. Narinig ko ang alingawngaw ng aking sigaw.
Tahimik na ang buong paligid. Wala na ang maingay na busina ng mga sasakyan, wala na ang mga ilaw na nakakasilaw, napaligiran na ako ng katahimikan at kadiliman. Binuhat ko ang lalaki at ipinatong sa aking mga braso. Sa aking pagkagulat ay lahat ng sasakyan ay nagsipagalisan at umikot. Bago pa ako nakalingon ay wala nang mga sasakyan.
Ako na lamang at ang lalaki sa aking braso, papalayo sa intersection. Lumayo na ako sa aking kinapupwestuhan, hindi na inisip kung may mga susunod pang mga sasakyang muling magdaraan sa intersection na iyon.
Mas kailangan ako ng lalaking ito kaysa sa intersection na yan.
Sabay takbo palayo. Palayo. Palayo. Walang sasakyang sumasalubong sa akin sa kalyeng napiling daanan. Babalik pa ako, di muna ngayon.
Di muna.
No comments:
Post a Comment