Alam ko na, sa tinagal-tagal ko na dito, kada trabaho ko alam kong mapupunta lang sa kangkungan. Kada report, hindi naman napupuri. Kailangan pala natin ng papuri paminsan-minsan, kung wala nito. Para lang tayong nagtrabaho sa wala.
Kanina, habang tinatapos ko yung report ko. Naalala ko lahat ng agam-agam ko sa paggawa ng report. Nasa isip ko na na hindi siya pupurihin, may kailangang ulitin, ayusin, baguhin. Minsan ibabasura lang lahat. Hindi ko nga tinapos kasi naiiyak na ako. Parang wala namang patutunguhan. Basura lang.
Sa tinagal ko, pansin ko na parang binenta ko na ang parte ng kaluluwa ko, matamasa ko lang ang ganitong buhay. Kung hindi dahil sa trabahong ito, hindi ko matustusan lahat ng luho ko ngayon. Pero sa araw araw na ginawa ng Diyos, hindi sapat sa akin lahat ng ginagawa ko. Kung sapat man sa akin, hindi naman sa iba. Para naman akong sira, hinayaan ko pang tumagal ito.
Nakakaiyak na naintindihan ko ang sarili ko sa parteng yun. Hindi na talaga ako masaya, kahit anong gawin ko, kahit anong gawin nila, hindi ko kayang maging trabaho ko. Hindi ko kayang ipagpalit ang sarili ko sa trabaho ko. Ayokong ibigay.
Kailangang kumawala ako dito. Kakainin ako nito paunti-unti. Ang tanga ko din kasi, hinayaan ko ang sarili ko na magpaakit sa mga tukso na inialay nya. Ngayon, hirap akong makakawala.
Isang araw, makakamit ko din ang kalayaang minimithi. Isang araw.
No comments:
Post a Comment