Sunday, August 28, 2011

Pag-iisa

Sabi ng kaibigan ko, nakakalungkot daw gawin ang mga bagay-bagay mag-isa. Nagtataka ako kung bakit. Madalas kasi, mas gusto kong ginagawa ang mga bagay ng mag-isa. Gaya ng panonood ng sine, kain at pagsshopping. Napagtanto ko na masaya naman din naman ang may kasama, pero may ibang saya kapag mag-isa ka lang. 

Hindi pa ako nagkakaroon ng nobyo simula nang ipinanganak ako. Hindi ko pa nararanasan ang lungkot ng pag-iisa. Pero parang alam ko na yung pakiramdam ng nasaktan dahil sa pag-ibig. Hindi naman isyu sa akin ang hindi pagkakaroon ng nobyo. Karamihan ng mga kaibigan ko, talagang naghahanap, pati lalaki. Sabi nga ng dati kong boss, hangga't hindi mo nararanasan, hindi mo mararamdaman ang pakiramdam. Ako, kung sa listahan ko ng mga gusto kong gawin, huling-huli sya. Dahil siya ang pinakamalabong mangyari, mas gusto kong mauna yung mga bagay na mas mangyayari. Hindi pa naman ako nalulungkot sa pagiging mag-isa. Pero binalaan na ako ng tiyahin at boss kong matandang dalaga. Ayaw kong matakot, pero walang dahilan para ikalungkot ang mga ganyang bagay. Masyadong maraming bagay ang nangyayari sa mundo para lang umikot sa pag-ibig sa isang tao. 

Naisip kong mas magiging malaya ka sa mga bagay kung kaya mong gawin ang mga bagay ng mag-isa. Mas malaya ka sa mga iniisip ng tao, sa mga gusto mong gawin at sa nais mong mangyare. Mas nababawasan ang pag-aalangan mo sa buhay. Sa akin, yun yung importanteng aral na natutunan ko sa lahat ng pagiging mag-isa ko. Mas hindi ako takot, mas naging matapang ako. Para akong nakakawalang ibon sa tuwing may nagagawa akong bagay na mag-isa. 

May mga bagay pa rin akong kinakatakutang gawing mag-isa. Pero isa-isahin ko sila habang buhay pa ako. Pero paunti-unti nararamdaman kong isa akong malayang nilalang. Diyos na lang ang bahala sa akin. Gusto kong dumating ang panahon na pati kamatayan, hindi ko na rin katatakutan. 

No comments: